Miyerkules, Hulyo 15, 2020

Ano ang Gusto kong Isulat?- Uri ng Panitikan (Literature)

Mahilig kang magbasa at isang gabi, naisip mo na gusto mo ding magsulat ng sarili mong libro- nang sarili mong kwento. Pero habang nag-iisip ka ay natigilan ka dahil ang dami mong gustong isulat. Sa post na ito, tatalakayin natin kung anong mga uri ng panitikan (literature) ang maaari mo at kaya mong gawin.

Panitikan o sa English, Literature. Siyempre dahil gusto mong maging manunulat, kailangan mong malaman 'to. Ang panitikan ay nagpapahayag o nagsasabi ng mga kaisipan, karanasan, damdamin, hangarin at diwa ng mga tao. At ito rin ang pinakasimpleng paglalarawan lalo na sa pagusulat ng tuwiran o tuluyan o patula. Ito rin ay nagsasalaysay sa lipunan ng mga karanasang may kinalaman sa iba't ibang uri ng damdamin tulad ng pag-ibig, kaligayahan, pag-asa, paghihiganti o poot at takot.

Ngayong alam na natin kung ano ang panitikan, alamin naman natin ang mga uri nito.



Ang panitikan o literature ay may dalawang uri.

1. Kathang- isip ( Fiction) - ang ganitong mga akda o gawa ay mula sa imahinasyon o pag-iisip ng manunulat. Kadalasan, dito nagsisimula ang mga bagong manunulat. Madali lang naman kasi gumawa ng kwento lalo na at kaya mong kontrolin ng husto ang mga pangyayari sa iyong kwento.

2. Hindi Kathang-isip (Non- Fiction)- ang ganitong mga akda naman ay batay sa mga record at tunay na mga pangyayari. Mahirap ito para sa mga nagsisimula pa lang. Kailangan dito ng masusing pananaliksik para masiguro na ang iyong isusulat ay tama.

Ngayon, anong mga uri ng panitikan ang iyong nais isulat o isinusulat ngayon? Ako? Nagsimula muna ako sa kathang-isip. Isang nobela. Mas madali kasi 'yon at siyempre ikaw ang may hawak sa  mangyayari sa kwento mo. Isa pa, wala akong masyadong oras para magsaliksik ng husto ngayon para sa isang non-fiction na akda. Paminsan-minsan, nagsasanay din akong sumulat ng mga tula.

Ngayon, kung may uri ang panitikan, mayroon din itong mga anyo.
Ang panitikan ay may dalawang anyo.

1. Tuluyan/ Prosa ( Prose) - ito ang mga akdang nagpapahayag ng mga kaisipan na isinusulat ng patalata. Naisusulat din ito sa karaniwang anyo ng pangungusap.

2. Patula (Poetry)- ito naman ang mga akdang nagpapahayag ng mga kaisipan at damdamin na isinusulat ng pasaknong (stanza ) Kadalasan, mayroon itong bilang o pagtutugma-tugma ng mga tunog. 
Pro Tips: Epektibo ito lalo na sa panliligaw.

Tuluyan/ Prosa (Prose)

1. Alamat (Legends)- Uri ng akda na nagsasalaysay ng mga pinagmulan ng mga bagay sa mundo. Ito ay kadalasang kathang-isip lamang at ang ilan ay nagtatampok ng mga mahika. Kung minsan din ay kinapupulutan din ito ng mga aral. Dito pa lang sa  Pilipinas ay napakarami ng kwentong alamat. Halimbawa: Alamat ng Pinya, Alamat ng Saging.

2. Anekdota (Anecdote)- Ito naman ay mga kwentong hango sa mga nakakaaliw o nakakatuwang pangyayari sa buhay ng isang taon. Bagama't nakakatawa, layunin din ng mga akdang ito na mag-iwan ng aral sa mga mababasa. Halimabawa: Tsinelas ni Jose Rizal


3. Nobela (Novel)- sa ibang tawag ay kathangbuhay. Ito ay isang mahabang kwento na binubuo ng mga kabanata (chapters). Kadalasan ang isang nobela ay nagtataglay ng 60,000 - 100,000 words. Bagama't ang manunulat ang magtatakda ng haba ng kanyang nobela. Dito kadalasan nagsisimula ang mga gustong mga manunulat o awtor ng libro. Lalo na ngayon na napakarami ng websites kung saan maaari nating ilathala ang mga kwento natin online. Halimbawa: Mga Ibong Mandaragit ( Amado V. Hernandez); El Filibusterismo (Jose Rizal)

4- Pabula (Fable)- Akda na kung saan ang tauhan ay mga hayop. Halimbawa: Pagong at Matsing. Si Langgam at si Tipaklong

5. Parabula (Parable)- sa ibang salita ay Talinhaga. Ito ay mga kwento na kapupulutan ng magagandang mga aral at kadalasang hango mula sa bibliya. Halimbawa: Ang Alibughang Anak, Ang Mabuting Samaritano

6. Maikling Kwento (Short Stories) - ito ay mga kwentong ang layunin ay magsalaysay ng mga mahahalagang pangyayari tungkol sa isang tauhan. At ito din ay naglalayon na mag-iwan nang kakintalan (empresyon, o aral) sa isip ng mga mambabasa. Para sa akin, ang maikling kwento ay isang sining ng panitikan.

7. Dula (Play)- ito ay uri ng panitikan na naglalayong maitanghal sa entablado (stage). Ito ay may hinahati sa pamamagitan ng mga tagpo. Halimbawa: Embayoka at Sayatan ng mga Muslim, Sa ibang bansa ay ang sikat na Romeo and Juliet ni William Shakespeare 

8. Sanaysay (Essay)- uri ng akda na kung saan ang manunulat ay malayang nakakapagpahayag ng kanyang kuru-kuro, opinyon o pananaw tungkol sa isang isyu. Ang sanaysay ay naglalayon na maipaabot ng manunulat ang kanyang damdamin sa mga mambabasa.

9. Talambuhay (Biography)- ang ganitong akda ay nagsasalaysay ng kasaysayan ng buhay ng isang tao. Ang mga impormasyon sa ganitong uri ng akda ay dapat tama at eksakto. Ang uri na ito ng panitikan ay nangangailangan ng mahusay na pananaliksik.

10. Talumpati- ito ay nagsasalaysay ng kaisipan ng isang tao. Ito ay nanghihikayat, nagbibigay ng kaalaman, tumutugon o nangangatwiran. At ito ay ipinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa entablado.

11. Balita- uri ng panitikan na tumutukoy sa mga kasalukuyang kaganapan o pangyayari sa buong mundo. Kadalasan itong makikita sa mga pahayagan, at ngayon maging sa internet.
Kung ikaw ay isang mag-aaral maaari kang sumali sa isang journalism club sa inyong eskwelahan at doon magsanay ng pagsulat.

12. Kwentong Bayan (Folklore) - ito ay mga kwentong nagsasalaysay tungkot sa mga tradisyon. Ito ay naglalarawan sa mga kaugalian, pananampalataya o suluraning panlipunan ng panahong tinutukoy sa kwento. Halimbawa: Ang Kalabasa at ang Duhat, Ang Punong Kawayan, Ang Diwata ng Karagatan


Patula/ Poetry

1. Tula- anyo ng panitikan na binubuo ng mga saknong (stanza) at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtod ( line or verse). Ito ay nagpapahayag ng damdamin ng tao. Madaling malaman kung ang isang akda ay tula. Kadalasan kasi itong may bilang at ang mga tunong ng salita ay may tugma.

2. Awit/ Korido- anyo ng panitikan na sinasaliwan ng musika. Korido- isang uri ng panitikan na nakuha natin dahil sa impluwensya ng mga Espanyo. Ito rin ay binibigkas ng pakanta.



3. Epiko- tumutukoy sa mga kwento ng kabayanihan na kadalasan ay nagtatampok ng mga di-kapanipaniwalang mga labanan. Ito ay uri ng kwento na puno ng aksyon at kagilagilalas na mga labanan.

4. Salawikain- Kadalasang matalinghaga at nagbibigay ng mabubuting aral.

5. Bugtong- Patulang mga katanungan, minsan ay matalinghaga na naghahanap ng kasagutan.

6. Tanaga- maiksing tula na binubuo ng apat na  taludtod (line or verse ) na may pito, walo o siyam na pantig ( syllables ) kada taludtod.


Ayan! Ito ang mga uri ng panitikan o literature na maaari mong pagpalian kung nagsisimula kang magsulat. Alin man sa mga ito ang interesante para sa'yo, sana ay maging matagumpay ka sa pagsusulat.

Ikaw? Ano ang gusto mong isulat? At bakit?


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paano Umisip ng Pamagat para sa Aking Kwento?

Isang araw, naisip mong isulat ang mga ideya at kwento na matagal nang naglalaro sa isipan mo. Kumuha ka ng papel at lapis at sinimulang pla...