Nagsimula akong magsulat taong 2015. Oo, hindi pa ako ganoon katagal sa pagsusulat. Nahumaling kasi ako noon sa pagguhit ng mga larawan. Noon, iyon ang akala kong gusto kong gawin. Pero dumating ako sa punto na biglang naisip ko na pagususulat talaga ang gusto ko. Namamangha kasi ako sa mga awtor ng mga librong nabasa ko. Parang gumagawa sila ng sinehan sa mga isipan natin at pinapagana ng husto ang ating imahinasyon. Para bang kapag nagbabasa ako, nandoon talaga ako sa kwento. At ganoong klase ng awtor ko gustong maging.
Pero hindi ganoon kadali ang pagiging isang manunulat. Lalo na ngayon na madami ng mahuhusay na manunulat ang naglabasan. Nandiyan din 'yong pagkakataong kahit anong piga mo sa utak mo ay walang lumalabas na mga ideya. Nandiyan din 'yong pagkakataong, mararamdaman mo na parang ayaw mo na kasi parang wala namang interesado sa ginagawa mo. Lalo na kung bago ka pa lang at walang masyadong kakilala. Talagang mahihirapan ka o baka masiraan ka pa nga ng loob at tigilan na lang ng tuluyan ang pagsusulat.
Dito na ngayon papasok 'yung dahilan mo sa pagsulat. Nagsusulat ka ba dahil gusto mong kumita ng pera? Nagsusulat ka ba bilang libangan? Nagsusulat ka ba kasi may mensahe ka na gustong ipahatid sa mga tao? O nagsusulat ka dahil mahal mo ito, at sa tingin mo ito ang magpapasaya sa'yo? o nka ito ang karera na gusto mong tahakin? Alin man d'yan sa mga dahilan na 'yan ang dahilan mo, ang dahilan na iyon dapat ang magtulak sa'yo para magpatuloy. Dapat din na siguraduhin mo sa iyong sarili na gusto mo ang pagsusulat.
Ako? Gusto kong magsulat dahil may mga mensahe akong gustong iparating sa mga mambabasa. At kasabay noon ay gusto kong mabuhay gamit ang aking pagsusulat.
Kung nag-umpisa kang magsulat dahil gusto mong kumita, maaaring mahirapan ka. Oo, madami tayong kilalang mga tanyag na manunulat sa Pilipinas at sa buong mundo. Alam nating mayaman na sila ngayon at ini-idolo pa nga sila ng ilan. Pero, hindi ganoon kadali abutin ang mga naabot nila. Hindi ganoon kadaling ipabasa sa buong mundo ang kwentong dala mo. Madaming 'rejections' ang naghihintay lalo na at baguhan ka pa lang. Pero ayaw ko namang madismaya ka. Dahil bagama't mahirap, hindi naman imposible na mailathala mo ang iyong gawa. Tandaan, na kahit ang sikat na si J.K Rowling- awtor ng sikat na 'Harry Potter' series ay na-reject ng labing dalawang beses. Pero hindi siya napigilan noon. Nagpatuloy siya. Ginamit niya ang pagsusulat para makawala mula sa depresyon at matakasan ang labis na problemang kinaharap niya noon. Ang kasiyahan na nakukuha niya mula sa pagsusulat ang nagtulak sa kanya na magpatuloy.
Kagaya niya, madaming mga manunulat ngayon ang humuhugot ng inspirasyon sa mga pinagdadaanan nila sa buhay. Kung minsan, ako rin. Sumusulat ako ng mga tula kapag nalulungkot ako o madaming iniisip. Sa pamamagitan noon. Napapagaan at nailalabas ko ang aking mga nararamdaman.
Ngayon, tanungin ang sarili. Ano nga ba ang dahilan kung bakit ako nagsusulat? Kaya ko ba ang mga hamon na sasalubungin ko sa karerang ito?
Ano man ang maging sagot mo sa mga tanong na 'yan, nawa ay magpatuloy ka sa pagsusulat at mabasa ko ang iyong mga gawa sa hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento