Napakalawak ng mundo ng pagsusulat. Napakaraming pwedeng isulat at ilathala sa ngayon. Lalo na ngayon na napakadaling magbahagi o maglathala ng mga gawa o akda sa internet. Napakarami ring mahuhusay o mga bihasang manunulat ang kilala sa buong mundo. At siyempre, nandito din tayong mga baguhan. Iba-iba ang istilo ng bawat isa sa pagsulat at ibaba rin ang paraan ng pagpapahayag ng mga ideya. Iba-ibang uri tayo ng mga manunulat.
Habang iniisip mo ang sunod na eksena sa kwentong isinusulat mo, naisip mo na ba kung anong klase ka ng manunulat?
Ngayon, simulan na natin ang pag-alam sa mga uri o klase ng manunulat.
4 na Uri ng Manunulat
1. Fiction Writers - Ito ang mga manunulat na naka-focus sa pagsulat ng mga kwento na mula sa kanilang isipan o imahinasyon. Ito 'yong klase ng manunulat na napakaraming ideya sa isipan na gustong ibahagi sa iba. Ang ganitong klase ng manunulat ay kadalasan na mahilig gumawa ng mga karakter, sariling tagpuan (settings), sariling buod (plot), kakaibang mga lugar at storya.
Ang mga manunulat na gumagawa ng maikling kwento, nobela, at mga dula ay kadalasan na mga fiction writers.
Mahirap ba maging fiction writer? Oo, bagama't walang limitasyon ang imahinasyon ng tao, kung minsan ang mga fiction writers ay nagkakaproblema kadalasan sa gitna ng kanilang kwento o nobela. Kilala ang problemang ito sa tawag na 'writer's block'. Ito 'yong yugto sa pagusulat na hindi mo na alam 'yung susunod na eksena para sa kwento mo. 'Yong tipong naging blanko ang isipan mo at hindi ka na makapagsulat.
Naranasan mo na ba 'yan? Ako? Madalas. Pero madaming mga solusyon para sa ganitong hamon ng pagsusulat. Isa na ang patuloy na pagsusulat hanggang sa lumabas muli ang mga ideya mula sa isip mo.
Uri ng Fiction Writers
1. Planners- Mula sa salitang 'plan'. Ang mga planners ay mga fiction writers na nagpaplano muna ng mabuti bago simulan ang pagsulat. Lahat ng eksena, bawat detalye, bawat plot twists, lahat 'yan planado. Maging ang mga karakter at ang kahihitnan ng mga ito sa kwento ay planado din. Halimbawa: J.K Rowling- Harry Potter
May magandang dulot naman ang pagiging planner. Dahil sa planado na ang lahat mas madali ng isulat ang kwento at madali na lang ding masusubaybayan ang pag-unlad ng mga karakter. Pero kadalasan, ang mga planners nagkakaroon ng problema sa gitna ng pagsusulat ng kanilang kwento lalo na kapag mayroon silang gustong baguhin sa mga plano na makakaapekto ng husto sa takbo ng istorya.
2. Pantsers- Ito naman 'yong uri ng mga manunulat na walang ginagawang plano. Basta may pumasok na ideya sa isipan nila, kukuha na sila ng papel at sisimulan na ang pagsulat. Ang mga pantsers ay may malalawak na imahinasyon habang nagsusulat na kung minsan, habang nagusulat ay bigla silang makakaisip ng napakagandang mga ideya. Halimbawa: Stephen King
Pero ang mga pantsers ang kadalasan na biktima ng 'writer's block.' Dahil sa walang isinulat na plano, wala na silang masisilip para bigyan sila ng ideya para magpatuloy.
Ngayon? Anong uri ka ng fiction writer? Isa ka bang Planner? o isa kang pantser?
2. Non- Fiction Writers- Ito naman ang mga uri ng manunulat na mas gustong isulat ang mga totoo at makatotohanang mga bagay. Kadalasan ang mga non-fiction writers ay abala sa pagsaliksik ng mga impromasyon bago simulan ang pagsulat nila. Mas kailangan ng sipag sa ganitong uri ng pagsusulat at dapat siguruhin ng manunulat na tama ang mga impromasyon na isusulat niya.
Ang mga journalists, sumusulat ng mga talambuhay, at gumagawa ng mga nobela base sa mga totoong pangyayari ay mga non-fiction writers.
3. Poets/ Makata- Ang mga manunulat na ito ay naka-focus sa pagsulat ng mga tula o minsan mga liriko ng kanta. Kadalasan na malawak ang bokabularyo ng isang makata at kadalasan din ay matatamis ang mga lumalabas na salita sa kanila. Madalas din na magaling magsalita sa harapan o magtalumpati ang isang makata.
Pero mahirap ba ang sumulat ng tula? Oo, bagama't 'di hamak na mas maikli ito kesa sa mga kwento at nobela ay kailangan naman nito ng mas masusing pag-iisip. Dahil kailangan na may tugma at may laman na mensahe ang mga tula. Ito kasi ay kadalasang damdamin ng sumulat nito. Kailangan din ng isa ng inspirasyon para makapagsulat ng isang bukod tanging tula.
4.Content Creators/ Writers- Ito ang 'in' ngayon. Kung sasali ka sa mga social media groups ng mga manunulat, ito ang madalas na makikita mong hinahanap. Dahil kasi sa pagsulong ng internet at teknolohiya, mas marami na ang nagbabasa online kesa sa mga magazines at dyaryo. Ang mga Content Creators/ Writers din ay madaling kumukita ng pera gamit ang pagsusulat nila. Kailangan mo lang magpakita ng sample ng iyong article at kung magugustuhan ng kliyente ay maaari ka nang magsimula.
Article Writers, Bloggers at mga Technical Writers ang ilan sa halimbawa ng mga content creators.
Pero kadalasan ay mga experienced o mga bihasa na sa ganitong pagsusulat ang hinahanap. Pero mayroon din naman nagbibigay ng pagkakataon sa mga baguhan. Kaya naman kung gusto mong maging isang content creator at kumita gamit ang pagsulat, simulan mo na ang pagsasanay para mapaunlad pa ang iyong pagsusulat.
Patuloy na Magsulat at Magtagumpay
Ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang kakayahan, kanya-kanyang interes at kanya-kanyang galing. Maaaring ang isa ay manatili sa nakasanayan niyang isulat at ang iba naman ay maaaring sumubok ng iba. Ang mahalaga ay patuloy na magsulat, patuloy na paunlarin ang kakayahan at siguradong magtatagumpay.
Ngayon, napag-usapan na natin ang iba't-ibang uri ng mga manunulat sa ngayon. Ikaw? Anong uri ng manunulat?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento