Biyernes, Hulyo 17, 2020

Paano Umisip ng Pamagat para sa Aking Kwento?

Isang araw, naisip mong isulat ang mga ideya at kwento na matagal nang naglalaro sa isipan mo. Kumuha ka ng papel at lapis at sinimulang planuhin ang kwentong isusulat mo hanggang sa sinimulan mo na ang unang kabanata. Nang biglang naisip mo na parang may kulang, - ang ‘pamagat’ o ‘title’.

Isa ang ‘pamagat’ sa mga pangunahin at mahalagang elemento ng kwentong ginagawa mo. Bakit? Dahil ito ang pinaka magiging pagkakakilanlan ng kwento mo at ito ang maaalala ng mga mambabasa.

Sa blog na ito, pag-usapan natin ang mga dapat tandaan tuwing mag-iisip o gagawa ng pamagat.

       1. May Kinalaman sa Kwento- Dapat na may kinalaman sa kwento mo ang pamagat. Maaaring magbigay ito ng mga clues kung tungkol saan ang ‘yong kwento bago pa man mabasa ng mga mambabasa ang blurb – deskripsyon ng kwento mo. Maaari din itong pangalan ng isa sa mga tauhan sa kwento mo o mahalagang tagpo.

Tandaan, hindi magandang isipin na walang kinalaman sa kwento mo ang napili mong pamagat para dito.


   2. Madaling Tandaan- Ang isang nobelang may magandang kwento ay madaling matatandaan ng mga mambabasa pero mas madaling matatandaan ang kwentong may maikli at madaling tandaan na pamagat. Dapat na ang pamagat ay hindi mahaba.

 Pansinin ang ilan sa mga sikat na nobela. Naglalaro lang sa isa hanggang sa tatlong salita ginamit para sa pamagat nila.

   3. Akma sa Genre ng Kwentong Isinusulat- Dapat na ang pamagat mo ay mabigay ng clue sa mga mambabasa kung anong genre ang kwento mo. Halimabawa, kung nagsusulat ka ng isang romance novel, dapat na ang mga gagamitin mong salita ay may kinalaman sa pag-ibig. Hindi maaaring gumamit ng salitang nagbibigay takot kagaya ng ‘lagim’, ‘dilim’ dahil baka iba ang isipin ng mga mambabasa sa maaaring laman ng iyong kwento.



  4.  Madaling Bigkasin- Kung ang pamagat ng iyong kwento ay mahirap bigkasin, mahihirapan ang mga mambabasa mo na ibahagi ito sa iba o mas malala pa ay hindi na nila ito basahin pa. 

       5. Tama ang Bantas at Pagkakagamit ng mga Titik (Malaki at Maliit )- Dapat din siguraduhin na tama ang mga bantas (punctuation). Dahil ito ang unang makikita ng mambabasa, mahalagang tama ito para uli sa magandang impresyon ng iyong kwento. Tandaan din na simulan sa malalaking titik ang mahahalagang salita sa iyong pamagat. Halimabawa, ‘The Last Song’. Hindi, ‘The last song’.

      6. Dapat na Bagay Ang Pamagat sa Napiling Pabalat- Oo, dapat na bagay din ang pamagat mo sa napili mong cover ng iyong kwento. Mas mapapaganda nito ang impresyon ng mga mamababasa sa iyong kwento. At kung walang kinalaman ang cover mo sa pamagat ng iyong kwento ay maaari nitong lituhin ang mga mambabasa kung tungkol saan ang kwento mo.

 Ano man ang kwentong isinusulat mo ngayon, tandaan na mas maganda ang mas simpleng pamagat. ‘The shorter the better’ ika nga nila. Dahil ang simple at may dating na pamagat ay siguradong magbibigay ng dagdag ganda sa kwentong nais mong ibahagi sa iba.

Extra Tip: Mahalaga ang brainstorming. Hindi lang sa pagsusulat ng kwento kundi pati na rin sa pag-iisip ng magandang pamagat. 

Mayroon ka bang ibang tips tuwing gumagawa ng pamagat? Share mo naman sa comment section.


Miyerkules, Hulyo 15, 2020

Sino Ka Bilang Manunulat? ( Uri ng Manunulat )

Ano ang pumapasok sa isip mo tuwing naririnig mo ang salitang 'manunulat' o 'writer'? Kadalasan, naiisip ng karamihan ang mga gumagawa ng mga nobela, maiikling kwento o mga tula. Pero ang totoo, marami pang uri ng mga manunulat sa ngayon.

Napakalawak ng mundo ng pagsusulat. Napakaraming pwedeng isulat at ilathala sa ngayon. Lalo na ngayon na napakadaling magbahagi o maglathala ng mga gawa o akda sa internet. Napakarami ring mahuhusay o mga bihasang manunulat ang kilala sa buong mundo. At siyempre, nandito din tayong mga baguhan. Iba-iba ang istilo ng bawat isa sa pagsulat at ibaba rin ang paraan ng pagpapahayag ng mga ideya. Iba-ibang uri tayo ng mga manunulat.

Habang iniisip mo ang sunod na eksena sa kwentong isinusulat mo, naisip mo na ba kung anong klase ka ng manunulat?

Ngayon, simulan na natin ang pag-alam sa mga uri o klase ng manunulat.



4 na Uri ng Manunulat

1. Fiction Writers - Ito ang mga manunulat na naka-focus sa pagsulat ng mga kwento na mula sa kanilang isipan o imahinasyon. Ito 'yong klase ng manunulat na napakaraming ideya sa isipan na gustong ibahagi sa iba. Ang ganitong klase ng manunulat ay kadalasan na mahilig gumawa ng mga karakter, sariling tagpuan (settings), sariling buod (plot), kakaibang mga lugar at storya.
Ang mga manunulat na gumagawa ng maikling kwento, nobela, at mga dula ay kadalasan na mga fiction writers. 
Mahirap ba maging fiction writer? Oo, bagama't walang limitasyon ang imahinasyon ng tao, kung minsan ang mga fiction writers ay nagkakaproblema kadalasan sa gitna ng kanilang kwento o nobela. Kilala ang problemang ito sa tawag na 'writer's block'. Ito 'yong yugto sa pagusulat na hindi mo na alam 'yung susunod na eksena para sa kwento mo. 'Yong tipong naging blanko ang isipan mo at hindi ka na makapagsulat.
Naranasan mo na ba 'yan? Ako? Madalas. Pero madaming mga solusyon para sa ganitong hamon ng pagsusulat. Isa na ang patuloy na pagsusulat hanggang sa lumabas muli ang mga ideya mula sa isip mo.

     
Uri ng Fiction Writers
    1. Planners- Mula sa salitang 'plan'. Ang mga planners ay mga fiction writers na nagpaplano muna ng mabuti bago simulan ang pagsulat. Lahat ng eksena, bawat detalye, bawat plot twists, lahat 'yan planado. Maging ang mga karakter at ang kahihitnan ng mga ito sa kwento ay planado din. Halimbawa: J.K Rowling- Harry Potter
    May magandang dulot naman ang pagiging planner. Dahil sa planado na ang lahat mas madali ng isulat ang kwento at madali na lang ding masusubaybayan ang pag-unlad ng mga karakter. Pero kadalasan, ang mga planners nagkakaroon ng problema sa gitna ng pagsusulat ng kanilang kwento lalo na kapag mayroon silang gustong baguhin sa mga plano na makakaapekto ng husto sa takbo ng istorya. 
    2. Pantsers- Ito naman 'yong uri ng mga manunulat na walang ginagawang plano. Basta may pumasok na ideya sa isipan nila, kukuha na sila ng papel at sisimulan na ang pagsulat. Ang mga pantsers ay may malalawak na imahinasyon habang nagsusulat na kung minsan, habang nagusulat ay bigla silang makakaisip ng napakagandang mga ideya. Halimbawa: Stephen King
    Pero ang mga pantsers ang kadalasan na biktima ng 'writer's block.' Dahil sa walang isinulat na plano, wala na silang masisilip para bigyan sila ng ideya para magpatuloy. 
    Ngayon? Anong uri ka ng fiction writer? Isa ka bang Planner? o isa kang pantser?

2. Non- Fiction Writers- Ito naman ang mga uri ng manunulat na mas gustong isulat ang mga totoo at makatotohanang mga bagay. Kadalasan ang mga non-fiction writers ay abala sa pagsaliksik ng mga impromasyon bago simulan ang pagsulat nila. Mas kailangan ng sipag sa ganitong uri ng pagsusulat at dapat siguruhin ng manunulat na tama ang mga impromasyon na isusulat niya.
Ang mga journalists, sumusulat ng mga talambuhay, at gumagawa ng mga nobela base sa mga totoong pangyayari ay mga non-fiction writers.

3. Poets/ Makata- Ang mga manunulat na ito ay naka-focus sa pagsulat ng mga tula o minsan mga liriko ng kanta. Kadalasan na malawak ang bokabularyo ng isang makata at kadalasan din ay matatamis ang mga lumalabas na salita sa kanila. Madalas din na magaling magsalita sa harapan o magtalumpati ang isang makata. 
Pero mahirap ba ang sumulat ng tula? Oo, bagama't 'di hamak na mas maikli ito kesa sa mga kwento at nobela ay kailangan naman nito ng mas masusing pag-iisip. Dahil kailangan na may tugma at may laman na mensahe ang mga tula. Ito kasi ay kadalasang damdamin ng sumulat nito. Kailangan din ng isa ng inspirasyon para makapagsulat ng isang bukod tanging tula.

4.Content Creators/ Writers- Ito ang 'in' ngayon. Kung sasali ka sa mga social media groups ng mga manunulat, ito ang madalas na makikita mong hinahanap. Dahil kasi sa pagsulong ng internet at teknolohiya, mas marami na ang nagbabasa online kesa sa mga magazines at dyaryo. Ang mga Content Creators/ Writers din ay madaling kumukita ng pera gamit ang pagsusulat nila. Kailangan mo lang magpakita ng sample ng iyong article at kung magugustuhan ng kliyente ay maaari ka nang magsimula. 
Article Writers, Bloggers at mga Technical Writers ang ilan sa halimbawa ng mga content creators.
Pero kadalasan ay mga experienced o mga bihasa na sa ganitong pagsusulat ang hinahanap. Pero mayroon din naman nagbibigay ng pagkakataon sa mga baguhan. Kaya naman kung gusto mong maging isang content creator at kumita gamit ang pagsulat, simulan mo na ang pagsasanay para mapaunlad pa ang iyong pagsusulat.

Patuloy na Magsulat at Magtagumpay 

Ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang kakayahan, kanya-kanyang interes at kanya-kanyang galing. Maaaring ang isa ay manatili sa nakasanayan niyang isulat at ang iba naman ay maaaring sumubok ng iba. Ang mahalaga ay patuloy na magsulat, patuloy na paunlarin ang kakayahan at siguradong magtatagumpay.
Ngayon, napag-usapan na natin ang iba't-ibang uri ng mga manunulat sa ngayon. Ikaw? Anong uri ng manunulat? 







Ano ang Gusto kong Isulat?- Uri ng Panitikan (Literature)

Mahilig kang magbasa at isang gabi, naisip mo na gusto mo ding magsulat ng sarili mong libro- nang sarili mong kwento. Pero habang nag-iisip ka ay natigilan ka dahil ang dami mong gustong isulat. Sa post na ito, tatalakayin natin kung anong mga uri ng panitikan (literature) ang maaari mo at kaya mong gawin.

Panitikan o sa English, Literature. Siyempre dahil gusto mong maging manunulat, kailangan mong malaman 'to. Ang panitikan ay nagpapahayag o nagsasabi ng mga kaisipan, karanasan, damdamin, hangarin at diwa ng mga tao. At ito rin ang pinakasimpleng paglalarawan lalo na sa pagusulat ng tuwiran o tuluyan o patula. Ito rin ay nagsasalaysay sa lipunan ng mga karanasang may kinalaman sa iba't ibang uri ng damdamin tulad ng pag-ibig, kaligayahan, pag-asa, paghihiganti o poot at takot.

Ngayong alam na natin kung ano ang panitikan, alamin naman natin ang mga uri nito.



Ang panitikan o literature ay may dalawang uri.

1. Kathang- isip ( Fiction) - ang ganitong mga akda o gawa ay mula sa imahinasyon o pag-iisip ng manunulat. Kadalasan, dito nagsisimula ang mga bagong manunulat. Madali lang naman kasi gumawa ng kwento lalo na at kaya mong kontrolin ng husto ang mga pangyayari sa iyong kwento.

2. Hindi Kathang-isip (Non- Fiction)- ang ganitong mga akda naman ay batay sa mga record at tunay na mga pangyayari. Mahirap ito para sa mga nagsisimula pa lang. Kailangan dito ng masusing pananaliksik para masiguro na ang iyong isusulat ay tama.

Ngayon, anong mga uri ng panitikan ang iyong nais isulat o isinusulat ngayon? Ako? Nagsimula muna ako sa kathang-isip. Isang nobela. Mas madali kasi 'yon at siyempre ikaw ang may hawak sa  mangyayari sa kwento mo. Isa pa, wala akong masyadong oras para magsaliksik ng husto ngayon para sa isang non-fiction na akda. Paminsan-minsan, nagsasanay din akong sumulat ng mga tula.

Ngayon, kung may uri ang panitikan, mayroon din itong mga anyo.
Ang panitikan ay may dalawang anyo.

1. Tuluyan/ Prosa ( Prose) - ito ang mga akdang nagpapahayag ng mga kaisipan na isinusulat ng patalata. Naisusulat din ito sa karaniwang anyo ng pangungusap.

2. Patula (Poetry)- ito naman ang mga akdang nagpapahayag ng mga kaisipan at damdamin na isinusulat ng pasaknong (stanza ) Kadalasan, mayroon itong bilang o pagtutugma-tugma ng mga tunog. 
Pro Tips: Epektibo ito lalo na sa panliligaw.

Tuluyan/ Prosa (Prose)

1. Alamat (Legends)- Uri ng akda na nagsasalaysay ng mga pinagmulan ng mga bagay sa mundo. Ito ay kadalasang kathang-isip lamang at ang ilan ay nagtatampok ng mga mahika. Kung minsan din ay kinapupulutan din ito ng mga aral. Dito pa lang sa  Pilipinas ay napakarami ng kwentong alamat. Halimbawa: Alamat ng Pinya, Alamat ng Saging.

2. Anekdota (Anecdote)- Ito naman ay mga kwentong hango sa mga nakakaaliw o nakakatuwang pangyayari sa buhay ng isang taon. Bagama't nakakatawa, layunin din ng mga akdang ito na mag-iwan ng aral sa mga mababasa. Halimabawa: Tsinelas ni Jose Rizal


3. Nobela (Novel)- sa ibang tawag ay kathangbuhay. Ito ay isang mahabang kwento na binubuo ng mga kabanata (chapters). Kadalasan ang isang nobela ay nagtataglay ng 60,000 - 100,000 words. Bagama't ang manunulat ang magtatakda ng haba ng kanyang nobela. Dito kadalasan nagsisimula ang mga gustong mga manunulat o awtor ng libro. Lalo na ngayon na napakarami ng websites kung saan maaari nating ilathala ang mga kwento natin online. Halimbawa: Mga Ibong Mandaragit ( Amado V. Hernandez); El Filibusterismo (Jose Rizal)

4- Pabula (Fable)- Akda na kung saan ang tauhan ay mga hayop. Halimbawa: Pagong at Matsing. Si Langgam at si Tipaklong

5. Parabula (Parable)- sa ibang salita ay Talinhaga. Ito ay mga kwento na kapupulutan ng magagandang mga aral at kadalasang hango mula sa bibliya. Halimbawa: Ang Alibughang Anak, Ang Mabuting Samaritano

6. Maikling Kwento (Short Stories) - ito ay mga kwentong ang layunin ay magsalaysay ng mga mahahalagang pangyayari tungkol sa isang tauhan. At ito din ay naglalayon na mag-iwan nang kakintalan (empresyon, o aral) sa isip ng mga mambabasa. Para sa akin, ang maikling kwento ay isang sining ng panitikan.

7. Dula (Play)- ito ay uri ng panitikan na naglalayong maitanghal sa entablado (stage). Ito ay may hinahati sa pamamagitan ng mga tagpo. Halimbawa: Embayoka at Sayatan ng mga Muslim, Sa ibang bansa ay ang sikat na Romeo and Juliet ni William Shakespeare 

8. Sanaysay (Essay)- uri ng akda na kung saan ang manunulat ay malayang nakakapagpahayag ng kanyang kuru-kuro, opinyon o pananaw tungkol sa isang isyu. Ang sanaysay ay naglalayon na maipaabot ng manunulat ang kanyang damdamin sa mga mambabasa.

9. Talambuhay (Biography)- ang ganitong akda ay nagsasalaysay ng kasaysayan ng buhay ng isang tao. Ang mga impormasyon sa ganitong uri ng akda ay dapat tama at eksakto. Ang uri na ito ng panitikan ay nangangailangan ng mahusay na pananaliksik.

10. Talumpati- ito ay nagsasalaysay ng kaisipan ng isang tao. Ito ay nanghihikayat, nagbibigay ng kaalaman, tumutugon o nangangatwiran. At ito ay ipinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa entablado.

11. Balita- uri ng panitikan na tumutukoy sa mga kasalukuyang kaganapan o pangyayari sa buong mundo. Kadalasan itong makikita sa mga pahayagan, at ngayon maging sa internet.
Kung ikaw ay isang mag-aaral maaari kang sumali sa isang journalism club sa inyong eskwelahan at doon magsanay ng pagsulat.

12. Kwentong Bayan (Folklore) - ito ay mga kwentong nagsasalaysay tungkot sa mga tradisyon. Ito ay naglalarawan sa mga kaugalian, pananampalataya o suluraning panlipunan ng panahong tinutukoy sa kwento. Halimbawa: Ang Kalabasa at ang Duhat, Ang Punong Kawayan, Ang Diwata ng Karagatan


Patula/ Poetry

1. Tula- anyo ng panitikan na binubuo ng mga saknong (stanza) at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtod ( line or verse). Ito ay nagpapahayag ng damdamin ng tao. Madaling malaman kung ang isang akda ay tula. Kadalasan kasi itong may bilang at ang mga tunong ng salita ay may tugma.

2. Awit/ Korido- anyo ng panitikan na sinasaliwan ng musika. Korido- isang uri ng panitikan na nakuha natin dahil sa impluwensya ng mga Espanyo. Ito rin ay binibigkas ng pakanta.



3. Epiko- tumutukoy sa mga kwento ng kabayanihan na kadalasan ay nagtatampok ng mga di-kapanipaniwalang mga labanan. Ito ay uri ng kwento na puno ng aksyon at kagilagilalas na mga labanan.

4. Salawikain- Kadalasang matalinghaga at nagbibigay ng mabubuting aral.

5. Bugtong- Patulang mga katanungan, minsan ay matalinghaga na naghahanap ng kasagutan.

6. Tanaga- maiksing tula na binubuo ng apat na  taludtod (line or verse ) na may pito, walo o siyam na pantig ( syllables ) kada taludtod.


Ayan! Ito ang mga uri ng panitikan o literature na maaari mong pagpalian kung nagsisimula kang magsulat. Alin man sa mga ito ang interesante para sa'yo, sana ay maging matagumpay ka sa pagsusulat.

Ikaw? Ano ang gusto mong isulat? At bakit?


Bakit ka Nagsusulat?

Kung nababasa mo ito, sigurado akong mahilig kang magsulat. Baka nga mayroon ka ng mga kwento o mga tulang naisulat pero itinatago mo na lang sa iyong kwaderno o laptop. O baka mahilig kang mag-post ng mga kwento mo online o baka nga sikat ka na sa ibang mga websites. Pero minsan ba naisip mo kung bakit ka nagsusulat?

Nagsimula akong magsulat taong 2015. Oo, hindi pa ako ganoon katagal sa pagsusulat. Nahumaling kasi ako noon sa pagguhit ng mga larawan. Noon, iyon ang akala kong gusto kong gawin. Pero dumating ako sa punto na biglang naisip ko na pagususulat talaga ang gusto ko. Namamangha kasi ako sa mga awtor ng mga librong nabasa ko. Parang gumagawa sila ng sinehan sa mga isipan natin at pinapagana ng husto ang ating imahinasyon. Para bang kapag nagbabasa ako, nandoon talaga ako sa kwento. At ganoong klase ng awtor ko gustong maging.

Pero hindi ganoon kadali ang pagiging isang manunulat. Lalo na ngayon na madami ng mahuhusay na manunulat ang naglabasan. Nandiyan din 'yong pagkakataong kahit anong piga mo sa utak mo ay walang lumalabas na mga ideya. Nandiyan din 'yong pagkakataong, mararamdaman mo na parang ayaw mo na kasi parang wala namang interesado sa ginagawa mo. Lalo na kung bago ka pa lang at walang masyadong kakilala. Talagang mahihirapan ka o baka masiraan ka pa nga ng loob at tigilan na lang ng tuluyan ang pagsusulat.

Dito na ngayon papasok 'yung dahilan mo sa pagsulat. Nagsusulat ka ba dahil gusto mong kumita ng pera? Nagsusulat ka ba bilang libangan? Nagsusulat ka ba kasi may mensahe ka na gustong ipahatid sa mga tao? O nagsusulat ka dahil mahal mo ito, at sa tingin mo ito ang magpapasaya sa'yo? o nka ito ang karera na gusto mong tahakin? Alin man d'yan sa mga dahilan na 'yan ang dahilan mo, ang dahilan na iyon dapat ang magtulak sa'yo para magpatuloy. Dapat din na siguraduhin mo sa iyong sarili na gusto mo ang pagsusulat.

Ako? Gusto kong magsulat dahil may mga mensahe akong gustong iparating sa mga mambabasa. At kasabay noon ay gusto kong mabuhay gamit ang aking pagsusulat.

Kung nag-umpisa kang magsulat dahil gusto mong kumita, maaaring mahirapan ka. Oo, madami tayong kilalang mga tanyag na manunulat sa Pilipinas at sa buong mundo. Alam nating mayaman na sila ngayon at ini-idolo pa nga sila ng ilan. Pero, hindi ganoon kadali abutin ang mga naabot nila. Hindi ganoon kadaling ipabasa sa buong mundo ang kwentong dala mo. Madaming 'rejections' ang naghihintay lalo na at baguhan ka pa lang. Pero ayaw ko namang madismaya ka. Dahil bagama't mahirap, hindi naman imposible na mailathala mo ang iyong gawa. Tandaan, na kahit ang sikat na si J.K Rowling- awtor ng sikat na 'Harry Potter' series ay na-reject ng labing dalawang beses. Pero hindi siya napigilan noon. Nagpatuloy siya. Ginamit niya ang pagsusulat para makawala mula sa depresyon at matakasan ang labis na problemang kinaharap niya noon. Ang kasiyahan na nakukuha niya mula sa pagsusulat ang nagtulak sa kanya na magpatuloy.

Kagaya niya, madaming mga manunulat ngayon ang humuhugot ng inspirasyon sa mga pinagdadaanan nila sa buhay. Kung minsan, ako rin. Sumusulat ako ng mga tula kapag nalulungkot ako o madaming iniisip. Sa pamamagitan noon. Napapagaan at nailalabas ko ang aking mga nararamdaman.

Ngayon, tanungin ang sarili. Ano nga ba ang dahilan kung bakit ako nagsusulat? Kaya ko ba ang mga hamon na sasalubungin ko sa karerang ito?
Ano man ang maging sagot mo sa mga tanong na 'yan, nawa ay magpatuloy ka sa pagsusulat at  mabasa ko ang iyong mga gawa sa hinaharap.

Paano Umisip ng Pamagat para sa Aking Kwento?

Isang araw, naisip mong isulat ang mga ideya at kwento na matagal nang naglalaro sa isipan mo. Kumuha ka ng papel at lapis at sinimulang pla...